Tuesday, June 6, 2017

I K A T L O

Ito ay para sa ikatlo.
Ikatlong beses na pagdaan sa ala-alang nakalimutan ko na.
Sa mga damdamin at sakit na naibaon sa gitna ng mga kahapon.
Sa likod ng masasayang bahagharing pinagtagpi-tagpi ng bawat ngiti.
Sa likod ng bawat pag-asang bumuhay sa araw araw na pangungulila.
Babalik pa kaya?

Ito ay para sa ikatlo.
Para sa paulit-ulit kong pagbitaw.
Para sa paulit-ulit kong pagkapit.
Para sa paulit-ulit kong pag-iisip.
Para sa paulit-ulit kong pagtatago.

Ito ay ang ikatlo.
Ang ikatlong taon na okay na.
Ikatlong taong wala na talaga.
Ikatlong beses kong sasabihing tama na.
Dahil sa pangatlo, ako'y napagod na.

Kaya paalam, marahil ito na nga ang dulo.
At wawakasan na ang mga tadhanang kailanma'y di naman nagtagpo.
Mga ala-alang di na rin naman na nadugtungan.
Mga pagkakataong ginusto ko pa rin maghintay pero ayoko na.

Marahil sa ikatlo na nga ang wakas.
Marahil ito na nga ang binulong ng madamot na kapalaran.
Marahil ito ang dulong di na magkakaroon pa ng saysay.
Marahil wala na ngang sagot sa mga tanong na naiwan.

Naubos ang lakas para lumaban.
Maraming sinayang na oras at luha.
Kumapit sa mga dasal na pinanghawakan sa matagal na panahon.
Pero baka nga sa dulo ng ikatlo ok na to.

Bibili muli ako ng mga pagkakataon.
Makikipaglaban kay tadhana na para lang umayon.
Makikipagtawaran hanggang sa mapagbigyan.
Hanggang sa mabawi kita sa abot ng aking makakaya.

Pero kung ang dulo na sadyang mapait
At ang kapit ay hindi na mahigpit.
At hinding-hindi na magbibigay palugit.
Aasa pa rin ako sa mga matyatyagang mga dasal.,
Na patuloy panghahawakan hanggang sa dulo ng ikatlo.

Kaya pa ba? 
Tama na.
Bitaw na.
Okay na.
Napatawad na kita.